Thursday, March 31, 2011

DROGA AT BITAY


Kahapon ika-30 ng Marso taong 2011 ay isa na namang maituturing na malungkot na bahagi ng ating kasaysayan. Ang tatlo nating kababayan na sina Sally Ordinario-Villanueva (32), Ramon Credo (42), at Elizabeth Batain (38) ay binitay sa China sa pamamagitan ng lethal injection dahil sa kasong drug trafficking. Sa kabila ng proseso sa pag-aapela ng ating gobyerno na ibaba ang sentensiya ay hindi pa rin napigilan ang China na sundin ang sarili nitong batas na ipataw ang parusang kamatayan sa 3 nating kababayan. Kung matatandaan nakatakda sanang bitayin ang tatlo noong ika-20 at ika-21 ng Pebrero ng taong kasalukuyan, sa pamamagitan ng isang humanitarian visit sa Beijing ni Vice President Jejomar Binay ay naantala ang nakatakda sanang pagbitay.

Paano nga ba ito nangyari at nasadlak ang tatlo nating kababayan sa ganitong uri ng larangan? At sa paanong ito ay nakaligtas sa sistemang pang-seguridad ng ating mga paliparan? Kamusta din naman ang ahensya ng ating gobyerno na nagpapaigting sa pagsugpo sa kalakaran ng droga sa bansa?

Masisisi ba ang China sa pagkakataong ito? Ang mga hakbang bang ito ay makatarungan lamang? Ewan natin hindi natin alam, pero isa lang ang ipinapakita nito, matibay at konkreto ang batas ng China na siyang malayo sa sistema ng ating mga batas. Kung sa ating bansa pa lamang ay mahigpit nang nasusubaybayan ang ganitong mga ilegal na gawain maaari sanang dito pa lamang ay unti-unti na nating masusugpo ang suliraning panlipunan sa isyu ng droga.

Sana'y magsilbing aral ito sa mga kababayan nating nasasadlak sa ganitong uri ng larangan at sana'y paigtingin ng gobyerno ang pagbabantay sa pagsugpo sa kalakaran ng droga sa bansa, sa pamamagitan ng pagpapatibay ng gobeyrno sa sistema at batas sa pagsugpo sa negosyo ng bawal na gamot.


Ryan Aquino
March 31, 2011