Monday, May 10, 2010

Ang Aming Karanasan sa Automated Election 2010: PILIPINAS SA SANGAN-DAAN NG KASAYSAYAN














Ganap na alas-otso ng umaga ay dumako na kami sa lugar na pagdarausan ng halalan sa aming baranggay. Ngayong araw magaganap ang kauna-unahang Automated Election sa ating bansa. Isa isa na naming hinanap sa kung saan presinto o cluster kami boboto. Ang aking mga magulang ay madaling naidaos ang pagboto dahil nga sila ay senior citizens hindi na nila kailangan pang dumaan sa anumang pila.

Ang unang hakbang hanapin ang iyong presinto o cluster kung saan ka boboto, at kapag nakita na ay humingi ng numero hintaying tawagin ang iyong numero bago makapasok at maisagawa ang pagboto. May mga aberya akong nasaksihan, dahil nung una kami ay pinapila muna at din a daw susundin ang “numbering system”. Hangang sa lumaon ay may mga nagreklamong mga botante na hindi ito patas dahil iniwan nila ang kanilang pila sa pag-aakalang tatawagin ang kanilang mga hawak na numero. Ito sa tingin ko ang nagpalala sa sitwasyon at nagpahayag ng kawalang sistema.

11:00 na ng umaga ng matapos akong maka-boto, pasalamat na lang na ang presintong kinabibilanagn ko ay di nakaranas sa mga oras na iyon ng anumang aberya. Pero ang consistent lang ay ang mga nag-iinit ng ulo ng mga iba pang botanteng naghihintay na makaboto na. Malaking tulong din ang halalang ito sa ating mga street vendors, dahil isa sila malamang sa may malaking kinita ngayong araw, dahil sa marami nga ang nainip sa paghihintay sa linya, ang iba nating mga botante ay idinaaan muna sa pagkain ang kanilang paghihintay.

Sa kabila ng hirap at sakripisyo ng bawat Pilipinong boboto sa araw na ito ay manipestasyon lamang sa pagbabagong hinahangad at minimithing pangarap ng bawat iisang Pilipino. Tandaan na ang iisang mong boto ay ang bubuo sa kapalarang ng bayang ito. Sa ngayon na ang Pilipinas ay muling tatawid sa sangang-daan ng kasaysayan, muli nating patunayan ang magagawa ng kapangyarihan ng nag iisa nating boto.

Ang mga larawan sa itaas ay kuha sa mga kaganapan kaninang umaga sa aking ginawang pagboto.

Monday, May 3, 2010

ELEKSYON 2010 - Sa Muling Pag-Ukit ng Kasaysayan



Ang Eleksyon 2010 ang sinasabing pinakamakasaysayang halalan sa bansa. Dahil ito ang kauna-unahang Automated Election na magaganap sa kasaysayan ng halalan sa Pilipinas at kauna-unahan din sa Timog Silangang Asya. Tinatayang nasa 11-bilyong piso ang inilaang pondo sa halalang ito. Sa pangunguna ng COMELEC sa isang bidding process ay pinagkaloob nito sa kumpanyang SMARTMATIC-TIM ang pangunguna sa pamamahala ng gaganaping halalan.Tinatayang 82,000 voting machines para sa humigit kumulang 50-milyong botante ang ipapamamahagi sa buong kapuluan para sa nalalapit at ma-ambisyosong Automated Election sa bansa.

Matatandaan noong 2007 ipinasa sa kongreso ang RA 9369 na naglalayan na gawing automated ang local and national election sa bansa.

Kung sa mga nakaraang halalan, ay isa-isang sinusulat ang mga pangalan ng mga kandidatong ating iboboto, ngayon ay isa-isa naman ishe-shade ang bilog kung saan nakatapat dito ang pangalan ng mga kandidatong nais nating iboto. Matapos maisagawa ang pag fill out sa balota idederetso na ito ng botante sa PCOS Machine (Precint Count Optical Scan). Pagkatapos ng proseso, sisimulang basahin at bilangin ng machine ang mga boto at pagsasagawa ng kopya ng election returns.

Ngunit, sa makabagong sistema ng pagbotong ito. Marami ang nag-aalangan kung gaano nga ba ito maaasahan, sinasabing ang prosesong ito ay maghahatid lamang sa isang malawakang dayaan sa halalan, sinasabi din na iba na mauuwi lamang ito sa tinatawag na failure of elections. Handa nga ba ang pamahalaan at ang bansa na mga pagbabagong ito? Sapat ba ang mga information alerts ng COMELEC at ng Media sa pag-eendorso ng proseso sa makabagong paraan ng pagboto?

Sa Mayo-10, 2010 muling iguguhit ng kasaysayan ang kapalaran ng ating bansa. Huwag nating sayanging ang karapatan nating makiisa sa halalang ito. Ang iisa nating boto, maaring maging makahulugan at makapagsimula sa pagbabago. Hind sapat na isipin lang natin ang mga makabagong sistema, ang higit na mahalaga isipin natin ang halaga ng ating balota, dahil dito muli nating isasaalang-alang ang muling magiging buhay at kapalaran sa susunod na kasaysayan ng Pilipinas.

-ryan aquino