Nung nasa kolehiyo ako wala akong kasing lalim, aaminin ko isa akong babasaging wirdo. Halos lahat napapansin ko at naiisip ko, nagtatanong na bakit may ganyan at may ganito? bakit mas maraming mahirap kesa sa mayaman? bakit mas panget ang maitim? at ubod naman ng ganda ang maputi? Bakit laging trapik sa araw-araw kong pagbiyahe? At bakit tumataas ang tuition fee taon-taon? Naitanong ko din ng mga panahong iyon kung ano ba ang kahulugan ng buhay? Totoo nga bang kailangan pa ng isang mgandang edukasyon para maging maganda ang buhay? Bakit may mga tao na tulad ko na maraming tanong sa isipan o kung minsan tinatanong ko baka ako alng ang nag-iisip nito.
Pagkatapos ng apat na taon sa kolehiyo, ito na ang pinakamahirap na panahon sa akin, dumating na ang panahon na pati sarili kong kakayahan kinukuwestiyon ko, pinagdudahan ko pa ang sarili ko at nagtanong na siguro nga bobo lang talaga ko kaya di ko nagawa ang talagang gusto kong gawin sa buhay. Pero kapag iniisip ko na lang sa ngayon, parang wala na lang, ang lahat ay isang magandang karanasan. Ang karanasang pumili, tangapin ang katotohanang hindi lahat ng bagay ay naaayon sa iyo, na ang kapalaran ay puwedeng subukan pero hindi kayang pigilan. At minsan isang araw ng mapadaan ako sa Manila City Hall, nagbalik ang alaala ng aking college days, muling bumalik ang mga katanungan sa isip ko, na bakit hangang ngayon trapik pa din sa labas nito? Naisip ko din ang bulag na kumakanta gabi-gabi sa labas ng SM Manila, na halos maubos ang oras ko sa kakapanood sa kanya, na kahit ang huling barya sa aking ibulsa ay ibibigay ko pa dahil sa aking labis na paghanaga.
Kay ganda ng buhay ito lang ang aking nabatid. Kay ganda ng buhay ang siyang kasagutan sa aking mga tanong. Maaaring nagtatanong pa din ako at maaaring wala ng kasagutan sa mga katanungang ito, pero isa lang ang aaminin ko kay sarap ng buhay kahit na kung minsan nilalaro ka nito. Kay sarap mabuhay kung alam mong magmahal at alam mong may nagmamahal sa iyo. Ito in ang dahilan kung bawat nababawasan na ang mga tanong sa isipan ko, inaalis ng pagmamahal sa sarili ang lahat ng duda at di kasiguraduhan, ang kailangan lang magtiwala sa Maykapal, na sa bawat sandaling hatid ng bukas, sa bawat bagyong hatid nito, palaging may bahagharing naghihintay.
-si ryan sa mga panahong ninanamnam ang katahimikan!
No comments:
Post a Comment