Maagang gumising si Ester, dahil ngayon ang araw na pinakahihintay niya, ang araw ng kanyang graduation. Kagabi pa'y hinanda na niya ang damit na kayang susuotin, magkahalong nerbiyos at galak ang kanyang nararamdaman, nagagalak dahil natapos na niya ang isa sa mga pinakamahalagang yugto ng buhay niya, at pangamba dahil di niya alam ang hatid ng bukas pagkatapos ng kanyang graduation day.
Maagang dumating si Ester kasama ang kanyang mga magulang sa PICC. Ganap na alas-9 ng umaga ay magsisimula ang tradisyunal na graduation march. Pumila na si Ester sa kanyang linya kasama ang kanyang Ina. Inutos na ng mga koordineytor na maghanda na ang mga magsisipagtapos dahil magsisimula na ang programa, ilang segundo lamang ay narinig na nila sa mikropono ang sigaw "Mga kaibigan salubungin natin ang pagpasok ng mga magsisipagtapos sa taong 2011", kasabay sa tugtog ng graduation march ay pumasok na ang mga magsisipagtapos. Ganon na lang ang kaligayahan ni Ester, at sa sobrang ligaya di niya napigilan ang pagpatak ng kanyang mga luha, nagbabalik-tanaw sa kanyang isipan ang hirap ng kanyang mga magulang upang matustusan ang kanyang edukasyon, at ang mga panahong halos gawin niyang umaga ang gabi sa pagsusunog ng kilay, naaalala din niya ang kanyang mga kaibigan, na pagkatapos ng graduation ay maaaring di niya muli pang makita, dahil isa-isa na nilang babagtasin ang toong anyo ng buhay sa paghubog ng kanya-kanya nilang kapalaran. Ngunit sa kabila ng pagpatak ng kanyang luha ay hindi maitatangi ang kaligayahang nararamdaman ni Ester, dahil nakamit na niya ang minimithing tagumpay.
Tulad ng nakasanayan na mahaba ang itinakbo ng programa dahil sa madaming bilang ng magsisipagtapos sa kanilang kolehiyo. Makalipas ang isang oras ay itinawag na ang mga magsisipagtapos sa kursong BS Economics, tinawag na ang kanyang pangalan - "Ester Magtibay - cum laude" pagdating sa entablado ay muling pumatak ang kanyang mga luha, ganon din ang masaganang luha ng kanyang ina, na sa mga panahong iyon ay di na rin mapipigilan ang ligayang nadarama sa tagumpay ng kanyang anak. Isinabit ng kanyang ina ang medalya kay Ester, at kasabay noon ang nakabibinging pagbati sa kanya ng "congratulations" mula sa kanyang mga kamag-aral, guro, at mga kaibigan.
At nagtapos na ang graduation ni Ester. Sa labas ay naghihintay naman ang kanyang tatay na isang taxi driver, na isinakripisyo muna ang isang araw ng paghahanap-buhay para samahan ang kanyang anak sa kanyang graduation, yun nga lamang ay hindi na pumasok ang kanyang tatay sa loob ng PICC dahil isang tiket lamang ang nabili ni Ester dahil sa mahal ng mga graduation fees, iyon naman ay naunawaan ng kanyang tatay, kaya nagtiyaga na lamang itong maghintay sa parking lot.
Bumiyahe na sila Ester pabalik ng kanilang tahanan, trapik sa kalsada kasabay pa ang init na hatid ng mataas na sikat ng araw. Halos ayaw gumalaw ng mga sasakyan, yun pala ay may nagaganap na kilos protesta, - protesta ng mga manggagawang nagsusulong ng umento sa pagtaas ng sahod, mga manggagawa sa lahat ng sektor ng lipunan, manggagawa sa pamahalaan at pribadong sektor. Natulala si Ester at napaisip. "Eto na nga ang totong mundo magmula ngayon, kung saan sangkot ka na". Dahil sa trapik at para mawala ang pagkainip binuksan naman ng kanyang tatay ang radyo, pumaimbabaw sa radyo ang usaping ng unemployment rate sa bansa, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga pilipinong walang hanapbuhay dagdag pa ang di mapigil na paglaganap ng kahirapan. Muling napaisip si Ester "Ano nga bang naghihintay sa akin?, natatakot ako maging bahagi ng istatiska, malamang hindi lang ako mag-isa ang makikipag-agawan sa trabahong pipiliin ko".
Hindi namalayan ni Ester na nasapit na pala nila ang kanilang tahanan, pagpasok niya ng kanilang bahay ay bumungad sa kanya ang munting surpresa na inihanda ng kanyang mga kapatid at kamag-anak, isang kaunting salo-salo kasama ang kanyang mga mahal sa buhay upang ipagdiwang ang kanyang tagumpay.
Natapos ang buong maghapon at magdamag - Si Ester isang bagong kabataan bitbit ang tagumpay sa kanyang mga kamay. Kasalukuyan siyang nakatingin sa kawalan... nagtatanong, nag-iisip kung ano ang hatid ng bukas sa kanya. Maaaring ito nga ang bawat tanong ng isang kabataang nag-iisip sa kanyang kapalaran tuwing matatapos ang isang graduation. Hindi kaya ni Ester na balewalain ang mga isyung panlipunang kanyang nasasaksihan sa araw-araw, ano nga ba ang hatid ng bukas sa isang bansang unti-unti ay nagdidilim ang kapalaran, ano nga ba ang aasahan sa gobyernong inayawan na ng kumpiyansa ng kanyang mamamayan? At ano nga ba ang kapalarang hinihintay ng mga bagong gradweyt ng taong kasalukuyan?
Napaisip na lang ng malalim si Ester...
No comments:
Post a Comment